Lahat ng hindi ko kailangang malaman, natutunan ko sa Sitio Diguiboy*
Tumungo kami sa Palawan nitong nagdaang linggo bilang paghahanda sa Semestral Break Internship Program ng Ateneo Human Rights Center. Isa sa mga sinadya namin ang Sitio Diguiboy sa Coron, Palawan. Inatasan kaming maghanda dahil ukol daw sa demolisyon ang isyu ng komunidad.
Dahil hindi ko maaaring isiwalat ang maraming detalye ng pagpupulong (dahil sa confidentiality), ibabahagi ko na lang ang ilang aral na hindi itinuturo sa law school (pero kailangang matutunan).
Totoo ang mahahabang facts
Ayaw na ayaw ko sa mga exam ang napakahabang facts–nakailang scroll ka na sa Examplify, hindi pa rin tapos ang facts. Pero, hindi naman pala ganoon sa totoong buhay.
Pagharap namin sa Sitio Diguiboy, hindi naman kaagad namin na-spot ang issue na kailangang masagot para sa komunidad. Nagsimula kami sa mga papeles–binasa namin ang mga court record at documents: complaint, answer, judicial affidavits, decisions. Pero dahil di pa rin lubos na malinaw, kinailangan din naming magtanong sa komunidad mismo.
Matapos ang pagbabasa at pagtatanong, doon lang namin tuluyang nakita ang problema. Hindi mo rin naman kasi maayos na matututukoy ang issue kung hindi mo alam ang buong pangyayari at ang lahat ng panig.
Malayo ‘to sa Supreme Court
“God View” ang pagbabasa ng mga desisyon ng Supreme Court. Sa facts pa lang, salang-sala na ito kaagad. Kung kaya, ang facts na nababasa ng mga law student ay distilled at refined na. Wala nang irrelevant at immaterial dito.
Kaiba ito kapag nasa lebel pa lang ng trial court ang kaso. Sa halimbawa ng Sitio Diguiboy, nasa municipal trial court pa lang ang kaso. May hatol na ang hukom, pero hindi pa rin ito tanggap ng komunidad. May ilan sa kanilang nagsasabing mali ang korte–hindi raw wasto ang appreciation ng korte ng kanilang argumento at ebidensya.
Dito ko mas nabigyang-halaga ang appellate process. Kung hindi pa kumbinsido ang sinumang partido sa ibaba, maaari nila itong iakyat sa pamamagitan ng apela. Hindi perpekto ang mga hukom–tao rin sila na maaaring magkamali. Kung kaya, nariyan ang appellate courts para tingnan muli ang kaso at tukuyin kung wasto ang naging pasya ng lower court.
Mahalagang makipamuhay
Natutunan ko sa Ethics class na mas mataas na kalidad ng serbisyong ligal ang dapat ibigay sa mga bulnerableng sektor, tulad ng mga biktima ng karahasan, kabataan, at katutubo o indigenous peoples (Katutubong Tagbanwa ang mga taga-Sitio Diguiboy).
Naintindihan ko sa Sitio Diguiboy kumbakit ganito.
Kadalasan, silang mga bulnerable ay wala ring pambayad ng abogado. Dahil sa kahirapan, last resort na nila ang pagkuha ng abogado–kumukuha lamang sila nito kapag nahaharap na sa kaso (kagaya ng Sitio Diguiboy). Samakatwid, mayroon lang silang isang pagkakataon para depensahan ang kanilang karapatan. Kung matalo sila sa kaso, maaaring hindi na sila makapag-apela; tiyak na kulong o pagkawala ng ari-arian ang resulta.
Hindi naman makakapagbigay ng mataas na kalidad ng serbisyong ligal ang abogado kung hindi niya sapat na naiintindihan ang komunidad. Hindi ito maidadaan sa isang simpleng intake interview. Kailangang makipamuhay sa kanila–intindihin kung saan sila nagmumula, tukuyin ang kanilang interes, at planuhin ang estratehiya kasama sila.
Kailangang mag-full text; walang shortcut
Ang ejectment cases ay in personam. Kumbaga, kailangan mong pangalanan lahat ng kinakasuhan mo para magkaroon ng bisa sa kanila ang anumang desisyon ng korte. Kung hindi ka kasama sa mga pinangalanang defendant, hindi ka rin kasama sa kaso. Sa aming komunidad na pinuntahan, hindi naman sila kasama sa nangyaring kaso. Ngunit, pinipilit silang palayasin sa kanilang mga bahay dahil, anila, mga trespasser naman umano sila.
Nabasa ko ‘yan sa isang case namin sa Property. Saad ng Korte Suprema doon, maaari pa ring paalisin sa isang ejectment case ang sinomang “trespasser” o “intruder” sa lupa, kahit na hindi kasama sa kaso. Pero, sabi rin sa nabasa ko, maaari lang madamay ang “trespasser” kung inutusan ito ng defendant sa kaso na pumasok sa lupa. Samakatwid, dapat mapatunayan na ahente o konektado ang mga “trespasser” sa defendant ng kaso.
Kung hindi ko nabasa ang full text ng Heirs of Yusingco v. Busilak (G.R. No. 210504, Jan. 24, 2018), baka naniwala na rin ako sa sinasabi ng kalaban ng Sitio Diguiboy.
Hindi batas (o abogado) ang sasalba sa mundo (o sa Sitio Diguiboy)
Kapag dumating na ang demolition team, at unti-unti nang binabaklas ang komunidad, wala nang magagawa ang batas. Kapag nag-lapse into finality na ang desisyon, writ of demolition na ang kasunod. Sa puntong ito, iligal na ang anumang pagpigil sa demolisyon.
Walang abogado–gaano pa man siya kagaling–ang maaari pang pumigil sa dahas ng batas.
*Pasintabi kay Jose F. Lacaba.