Gabi na sa Rockwell
Payapa na ang EDSA ngayong gabi. Kadalasan, kahit malapit nang mag-hatinggabi, hitik pa rin ito sa mga sasakyan. Siguro, silang mga pauwi pa lang galing opisina. May ilan din sigurong papasok pa lang para sa night shift. Mas pinahaba na rin kasi ang oras ng tren, baka mas marami nang sumusubok sa MRT-3. Hindi na mala-sardinas kapag malalim na ang gabi.
Hindi ako manggagawa pero kakarating ko lang din sa bahay. Mahaba ang araw; kailangang mag-aral. Papatapos na ang semestre, huling araw na rin ng daily grind. Ilang araw na lang, magsisimula na ang finals. At ilang araw pa matapos ang mga exam, tapos na ang akademikong taon. Nakapagtapos na rin ng unang taon sa Ateneo.
Marami na ang nangyari, at matagal na rin ang lumipas. Masalimuot ang mga araw. Hindi dahil sa hindi nakapagbasa o nakapag-aral, kundi sa pangamba. Pribilehiyo ang makapag-aral dito–sa sandaling hindi matumbasan ang hinihingi ng pamantasan, ang susunod ay paglisan.
May simbolismo siguro, kumbakit nasa Rockwell Center ang campus. Liban sa napapalibutan ito ng mga nagtatayugang gusali, sinadyang hindi ito aksesible sa nakararami. Walang pampublikong transportasyon sa loob, kahit na daan-daang manggagawa ang namamasukan. Walang dahon ang mga puno–pang-aesthetic lang siguro.
Kapag nasa Rockwell, walang murang kainan. Pwede kang magbaon ng pagkain, o bumili–pinakamura na ang fast food. Para sa may kaya ang mga kainan. Ang masaklap pa, libo ang presyo, pero minimum wage naman ang sahod ng crew. Kahit sa loob ng campus, halos P150 ang pinakamurang kombinasyon ng ulam at kanin.
Hinuhubog tayo ng kapaligiran natin. Kaya siguro kung ano ang Rockwell, ganun na rin sa loob ng law school. Pribilehiyo ang pumasok dito dahil higit sandaang libong piso ang bayarin sa matrikula bawat enrollment. Pribilehiyo ang kailangan para manatili rito: mahal manirahan malapit sa Rockwell; magastos kung palagian kang mabu-book ng sasakyan papunta at pauwi, nakakapagod naman ang commute.
Pribilehiyo ang tumambay sa mga coffee shop para mag-aral. Mahal ang mga libro at school supplies. Hindi basta-bastang salapi ang kakailanganin para makapag-aral ng apat na taon sa Ateneo. Kung tutuusin, pribilehiyo ang maglaan ng ubos-lakas na panahon para magbasa, mag-aral at magkabisa nang walang iniisip na anumang responsibilidad.
Totoong hindi karapatan ang makapag-aral sa law school (lalo na kung pribadong pamantasan). Pero marapat bang tanggihan ang kagustuhan–kung kwalipikado naman–na makapag-aral dahil lamang sa kawalan ng pambayad sa gastusin? Anong uri ng sistemang pang-edukasyon ang meron tayo, bago pa man lang makapagsimula ng pag-aaral, haharangan na kaagad ang mag-aaral dahil ipinanganak siyang walang pribilehiyo?
Itinuturo sa loob ng law school ang kahingian na paglingkuran ang mga nangangailangan: silang mga bulnerable, nasa laylayan. Nananatili itong mailap gayong silang mga dapat nating paglingkuran ay sistematikong pinagbabawalan sa propesyong dapat na ipinagtatanggol ang mga inaapi.
Panukat ng pribilehiyo ang grado, dahil hindi totoong pantay-pantay lahat sa law school. Marami ang nabigyan na ng malayo-layong head start sa buhay. Ang mga nahuli, huli na nga sa buhay, kailangan pang mag-doble kayod para makahabol. Kahit na kailangang umuwi ng hatinggabi. Kahit na abutin na ng umaga sa pag-aaral. Kahit papano lang ba.