Naging ganap na mamamahayag pangkampus ako sa kalagitnaan ng malagim at madugong rehimeng Duterte.

Taong 2019 nang pumasok ako sa UP. Sukdulan noon ng yabang sina Bato Dela Rosa (na kahahalal lamang bilang senador) at Lorraine Badoy (tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) na pasukin ang mga pamantasan, taniman ng intel ang mga silid-aralan, bantayan at baguhin ang kurikulum, at tiktikan ang mga kritikal.

“Defend UP, Defend Academic Freedom” ang mga panawagan namin noon. Alam naming bahagi lang ito ng mas malawak na taktika ni Duterte para supilin ang mga tumutuligsa sa kanyang mga anti-mamamayang palisiya: giyera kontra droga, crackdown sa mga aktibista at peace consultant, pagsuko ng soberanya sa mga imperyalistang bansa tulad ng US at Tsina.

Walang sinasanto ang diktador. Hawak niya ang Kongreso, maging ang mga korteng minsa’y nabansagan pang “warrant factories.” Pinuno niya ang ehekutibo ng mga loyalistang heneral at propagandista. Batas ang salita ni Duterte–sinumang kumontra ay puputaktihin ng troll, aakusahang rebelde, papaslangin.

Kawalang katarungan, pasismo at pagguho ng karapatang pantao ang madalas na lumalabas noon sa mga pahina ng Kulê. Pinipili naming pinapatambol ang kwento ng mga naulila, biktima, silang dinarahas, silang inaapi, mga nasalaylayan, mga pilit na kinakalimutan. At ginagawa namin ito kabila ng sistematikong atake ni Duterte sa malayang pamamahayag at pagpapalaganap ng disinpormasyon.

Mas mabigat ang responsibilidad na tinatanganan ng mga alternatibong pahayagan sa panahon ng pasismo, laging ikinikintal ‘yan sa ‘kin ng mga dati kong patnugot. Kailangang puntahan ang mga pagkilos–kahit malayo–upang marinig at mabasa ng mas nakararami ang kanilang mga hinaing at adbokasiya. Kailangang tapusin ang mga artikulo para umabot sa imprenta, nang may maipamamahagi sa mga mag-aaral at iba’t ibang komunidad. Kailangang maglaan ng personal na sakripisyo para tanganan ang progresibo at aktibistang linya ng pahayagan sa kabila ng burukrasya at paniniil.

Alam kong hiram lang ang mga kwentong narinig ko sa mga sektor na kino-cover ng Kulê. Bagaman kwentista lang ako ng kanilang mga naratibo, hindi hiwalay kanilang danas sa mga personal kong karanasan sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte.

Magkaugnay pambobomba at pagpapasa sa mga Lumad school sa mga tangka sa kalayaang pang-akademiko ng mga pamantasan. Sa ilalim nga ni Duterte pinutol ang UP-DND Accord na nagbabawal sa mga pwersa ng estadong manghimasok sa unibersidad. Kultura ng pagpatay at kawalang katarungan ang pinairal ng rehimen sa bawat pagpaslang nito ng mga maralita, mamamahayag, aktibista, kabataan, kababaihan, manggagawa, katutubo.

Sa libo-libong salitang isinulat para sa pahayagan, mga oras na ginugol sa interview, kilometrong nilakad para sa pagkilos at legwork, walang istorya ang hindi sa akin tumatak. Patuloy kong dinadala ang kwento nina Manny Asuncion (organisador at aktibista sa Cavite, pinaslang ng mga pulis noong Bloody Sunday), Zara Alvarez (aktibista sa Negros, pinaslang ng mga di pa rin kilalang indibidwal noong pandemya), Chad Booc (iskolar ng bayan at guro sa Lumad school, pinaslang ng militar), Ka Randy Echanis (aktibista at peace consultant, marahas na pinatay sa loob ng kanyang bahay), Baby River (anak ng bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino), at daan-daan pang mga kaibigan at kasamang ni-red-tag, iligal na inaresto, winala.

Totoong maraming naging radikal ng panahon ni Duterte, at siguro isa na rin ako doon. Hindi na kailangan pang magturô ni Duterte kung sino ang nag-”brainwash” sa maraming mga aktibistang inanak sa kanyang rehimen; walang ibang may dahilan kundi siya.

Marami sa mga nakausap ko sa mga nagdaang taon ang nawalan na ng pag-asang mapapanagot ang pangulo sa kanyang mga krimen sa sambayanan. Kung kaya, naiintindihan ko na personal sa marami, lalo na sa mga naulila, ang pag-aresto kay Duterte ng International Criminal Court. Baka ito na lang ang tanging paraan para sa kanila na makamit ang hustisya.

Lampas sa katarungang makakamit ng mga naging biktima ni Duterte, daan ang paglilitis kay Duterte upang makamit ng bansa ang hustisya na pilit ipinagkait ng kanyang rehimen. Taliwas sa sinasabi ng mga Duterte at maging ni Marcos Jr., ang tunay na pananagutan ay walang pinipili. Tumatagos ito sa usapin ng pulitika at ligalidad–mga konseptong hindi rin naman nirespeto ng dating pangulo.

Hindi nagtatapos dito ang proseso ng paghahanap ng hustisya para sa bansa. Ngayong magsisimula na ang paglilitis kay Duterte, mas mabigat na ngayon ang responsibilidad na magsalita, at makisangkot. Personal ito sa ‘ting lahat–tayong mga pinagbantaang arestuhin dahil naglunsad ng rally, tayong mga tinanggalan ng akses sa balita matapos ipasara ang ABS-CBN, tayong mga namatayan at nagkasakit noong pandemya dahil sa militaristang pamamalakad, tayong mga tinakot at pinatahimik, tayong mga inulila, tayong mga patuloy na nagluluksa.